Wednesday, May 21, 2014

EWAN!

Random Post from a Random Thought 


Ano ba talaga ang gusto ng isang indibidwal? Kung ako ang tatanungin, sa totoo lang hindi ko alam.

Naisulat ko (lang naman) ito bunga marahil ng 'inggit'. Oo, inggit. Inaamin ko. Inggit ako sa mga taong may magandang career na nakapag-aral sa prestihiyosong paaralan tulad ng UP, USTe o Ateneo. Marami akong kaklase no'ng high school na dito ipinagpatuloy ang kanilang pag-aaral. Minsan din akong nagkaroon ng propesor noong kolehiyo na nagtapos sa UP Diliman (isa s'ya sa mga dahilan kaya ipinagpatuloy ko ang pagsusulat). At sa dahilang hindi ako biniyayaan ng ganoong katalinuhan para makipagsabayan eh andito ako ngayon, nakaharap sa screen. Walang magawa. Walang maisulat.

Ang dami kong gustong gawin at 'maging'. Gusto ko maging chef, maging photographer (pwede naman kaso ballpen at keyboard nga lang ang hawak ko), maging astronaut, maging secret agent ng Russia (ayoko sa America maraming conspiracies at puro sila kasinungalingan), maging Poet, at maging author. Gusto ko rin yung isaw, kwek-kwek at danggit.

Ewan ko ba kung bakit, pero basta na lang pumasok sa isipan kong isulat 'to. Kaya nang maisipan kong ilagay ito sa blog eh basta na lang din ang title nito. 'EWAN!' - 'yan ang unang pumasok sa isip ko kung kaya't ito ang ginamit kong pamagat.

Graduate ako ng Nautical Science. At hindi maikakailang gusto ko rin maging Marino. At kaakibat na nito ang pangarap na maging kapitan ng barko. Ngunit ako... Hindi. Malabo pa sa tubig-baha ang pagiging kapitan ko. Gusto ko maging opisyal ng kahit anong klaseng barko ngunit hindi ang maging kapitan. Hindi ko na ninais maging kapitan. Wag mo nang itanong baka magbago pa ang isip ko. Pero kapitan ng barangay? Oo, gustong-gusto! Siguro eh natawa ka? Hindi ako nagbibiro. Seryoso 'ko. Gustong-gusto ko maging chairman ng barangay namin! Sa estado ng lugar ko ngayon na sobrang gulo? Bakit hindi? Hindi ako makakapayag na walangyain ang lugar na tinitirikan ng bahay namin. Ngunit hindi naman tulad ng sa Tondo at Cavite. Magulo na parang hindi na naaasikaso ang kung ano ba talaga ang gusto ng mga tao. Ang gulo 'di ba? At isa pa, ang ayoko sa lahat eh yung may naaabuso at naaapektuhang tao sa mga pansariling luho lamang. Oo nga't walang basagan ng trip. Pero ang papangit ng trip nila!

Nakapagtapos na 'ko't lahat pero 'di ko pa rin alam kung ano ba talaga ang gusto ko sa ngayon. Pero isa lang ang nasa isip ko bago tapusin ang sulating ito. Hindi ko kailangang mainggit. Iba-iba ang kakayahan ng bawat tao, depende marahil sa mukha. Kung pogi ka eh mahina ka pero kung pangit, aba malakas ka. Biro lang s'yempre. Kung bakit kailangan kong hindi mainggit sa kanila, e dahil unique akong nilalang! Thank You Lord! (Dahil ang pogi ko hehe) Ang lahat ng bagay ay napag-aaralan. Kung hindi man ako kasing galing lumangoy ni Michael Phelps, kasing talino ni Sen. MDS o kasing sarcastic ni Bob Ong, kakayanin kong gawin ang mga ginawa nila upang marating ang kinatatayuan nila ngayon. Kaya nga idolo ko si Francis M. eh. 'Dahil 'pag gusto mo ay kaya mo, kung kaya mo ay kaya nating dalawa.' Diba?

Sa ngayon, 'di ko man alam kung ano ba talaga ang gusto ko, ipagpapatuloy ko muna ang pagsusulat. Magsusulat ako. Ng tula, kwentong walang kwenta, mga pangyayaring hindi nakikita o narinig ng madla, bagay-bagay na lingid sa kaalaman ng tao, at magsulat ng libro. Magsulat nang magsulat! Pero lahat ng bagay ay pinaghahandaan. Hindi basta-basta ang pagsusulat. Mahirap maging alipin ng sining (ayon kay Bob). Pero dahil pogi ako e natsa-challenge ako. Kaya sa mga gustong magsulat o ilapat ang sariling boses sa papel o website, ituloy mo lang. Dahil walang nagbabawal sa'yo.

No comments:

Post a Comment

Kung manti-trip ka, wag mong pakialaman ang sa 'kin. WALANG BASAGAN NG TRIP.